Si Maypagasa at ang Bayang Malaya



Upang maipaliwanag ng mabuti sa mga Pilipino kung bakit holiday ang ika-12 ng Hunyo, ito’y dahil kaarawan ito ni Inang Bayan. Kaarawan dahil ito ang araw na ipinahayag sa mundo ang kalayaan ng Pilipinas. Ngunit hindi ibig sabihin na noong ika-12 ng Hunyo 1898 ay isinilang ang Inang Bayan. Matagal nang isinilang ang Inang Bayan bago pa man ideklara ang kalayaan. Ipinahayag lamang sa Kawit, Cavite ang kalayaan ng Inang Bayan, ngunit hindi dito isinilang ang Inang Bayan.

Kung paano isinilang ang Inang Bayan, iyon ay nang mapagtanto ng mga “Anak ng Bayan” (mga Pilipino) na sila’y magkakapatid, isinilang sa iisang lupain, at tumubo at namulat sa gawi at kilos ng minanang bayan. Sa panahong napagtanto pa lamang ng mga Anak ng Bayan ang ganito, si Inang Bayan ay hindi pa lubusang naisisilang. Kailangan mabuo muna ang mas malalim na kapatiran – mahirap ka man o mayaman, anuman ang kulay ng iyong balat basta’t isinilang at tubo ka sa iisang lupain; ang mailatag ang diwa ng kaisahan – na kahit Tagalog ka, Kapampangan man, Bikolano, Sugbuwanon, Ilonggo, Ivatan, Moro, Tinguian, Ilokano, Waray-Waray, o Itneg; mangibabaw ang kamalayan na ang iba’t ibang nayon, bayan at lalawigan ay dumadaan sa iisang kapalaran – inaapi, inaalipin, tinatanggalan ng dangal at karapatang mabuhay bilang isang normal na tao na anak ng Diyos; at ang kumilos upang mangibabaw ang kalooban ng mga Anak ng Bayan – ang lumaya, magsarili at pamunuan ang sariling kapalaran bilang isang bayan. Ang diwang ito ang siyang tunay na nagbigay buhay sa Inang Bayan na isinilang kasabay ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan.



ALSO READ: Is Andres Bonifacio the first Philippine president?

Walang Araw ng Kalayaan kung wala ang Katipunan. Taong 1892 nang itatag ito ng mga kabataang napagtanto ang hibik ng isang babaeng pinabayaan; ang babeng ito ay nabusabos; ang kanyang mga anak ay ‘di matiis na makita siyang nagdurusa; at kung sino ang babaeng ito, nakilala siya bilang si Inang Bayan.

Sa pangunguna nina Andres Bonifacio, Ladislao Diwa, Deodato Arellano, Emilio Jacinto, at iba pang kabataang nagnais na iligtas ang Inang Bayan, nilinaw nila ang kanilang papel; ang papel nila bilang mga Anak ng Bayan, ang tanging pag-asa ng bayan.

Sa loob ng apat na taon, marami ang napagtanto na sila’y mga Anak ng Bayan; salamat sa pagsusumikap nina Bonifacio. Itong si Bonifacio ay naging Supremo ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan at nakilala sa pangalang Maypagasa. Kasama si Jacinto, binalangkas nila ang tunguhin ng Katipunan. Lalong pinag-igi ang adhikain ng bayan; inalam ang tunay na kalooban ng bayan – ang lumaya na, wakasan na ang lahat ng nakakasira sa kanila, sa Inang Bayan at sa mga susunod sa kanila.

Tinuruan tayo ni Bonifacio ng tunay na pagmamahal sa Bayan: ayon sa kanya, “pakatandaang lagi na ang pag-ibig sa Diyos ay siya ring pag-ibig sa Bayan, at iyan din ang pag-ibig sa kapwa.” Samakatuwid, ang sinumang umiibig sa Diyos – at ito ang unang kautusan sa lahat ng Anak ng Bayan, ay walang pagkakaiba sa sinumang umiibig sa kanyang bayang tinubuan. Ganoon din naman, ang sinumang may pagkalinga, pag-unawa, pagmamahal sa kapwa o kababayan ay katumbas ng pag-ibig sa bayan.

Noong 9 Mayo 1899, doon sa Wawang Napindan, Taguig, nagpatawag ng malawakang pulong si Bonifacio sa lahat ng kasapi ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan. Layon ng pagpupulong ang kunin ang pinakamataas na anyo ng niloloob ng bayan – ang simulan na ang isang himagsikan, at ito’y nangangailangan ng pagtataya ng pinakamabigat na paghahandog, ang pinakamataas na anyo ng pagpapakita ng pag-ibig sa bayan – ang buhay at ginhawa. Sa mga salita ng mismong may-bahay ni Bonifacio, si Gregoria de Jesus, “palibhasa’y ang mga anak ng bayan ay inip sa kanyang pagkakagapos (Inang Bayan) ay bumalikwas at nagkaisa na tulad sa isang tao lamang ang lahat.”

Nang matuklasan ang Katipunan noong 19 Agosto 1896, walang magawa si Bonifacio kundi ituloy na ang pagkilos ng mga Anak ng Bayan. Sa Pugadlawin ipinahayag ang paghihiwalay ng mga tumugong Anak ng Bayan sa Espanyang gumagapos sa Inang Bayan. Sa Pinaglabanan sa San Juan unang sumabak ang mga Anak ng Bayan sa pakikipaglaban para sa Inang Bayan. At sa kadahilanang ito, itinatag ni Bonifacio ang isang pamahalaan ng mga Anak ng Bayan na kakalinga sa Inang Bayan – ang Haring Bayang Katagalugan. Ang diwa ng “Haring Bayan” ay ang ipakita sa buong mundo na sa Katagalugan – ang napiling bagong itawag sa Pilipinas, ang bayan (ang mga tao o Anak ng Bayan) ang naghahari. Sa pakiwari nina Bonifacio, ito ay panumbas sa ideya ng Republika sa Europa – mula sa mga salitang Latin na res publica na ang ibig sabihin ay “patungkol sa mga tao o sa bayan.” Ang Katagalugan naman ay pagtataas sa isinusulong ng Katipunan na pagkakaisa ng lahat ng pangkat, pawang mga Anak ng Bayan, na inianak sa kapuluang ito. Ayon kay Emilio Jacinto, “Sa salitang Tagalog katutura’y ang lahat nang tumubo sa Sangkapuluang ito; samakatuwid, Bisaya man, Iloko man, Kapangpangan man, atbp… ay Tagalog din.”

Gayumpaman, nagbabago ang lahat. Ang Katipunan ay hindi nakaligtas sa pagbabago. Ang simulain ng Katipunan ay unti-unting namanglaw dulot ng pag-angat ng iilang hindi kaisa sa orihinal na tunguhin ng Katipunan. Hindi ito lingid sa kabatiran ng lahat; hindi rin lingid ang katotohanang bilang Supremo ng Katipunan at Pangulo ng Haring Bayan, kinailangan ni Bonifacio na dinggin ang niloob ng kanyang mga kapatid – ang muling balangkasin ang Katipunan ng mga Anak ng Bayan. Naganap ito sa Tejeros, ika-22 ng Marso 1897. Tinanggap ni Bonifacio ang kalooban ng kanyang mga kapatid; ngunit isa sa mga ito ang sa kanya’y nagpangalit. Tila hindi malinaw sa iilang nasa Tejeros ang isa sa mga orihinal na pinaghahawakang aral sa loob ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan, at ito’y nakapaloob sa Kartilya: “Maitim man at maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay, mangyayari ang isa’y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda… ngunit di mahihigtan sa pagkatao.”

Tuluyang nawala kay Bonifacio at sa kanyang mga kasamahan ang kontrol sa Katipunan ng mga Anak ng Bayan. Siya ay binitay. Sinuong ng mga Anak ng Bayan ang ibang daan na nais tahakin ng Katipunan. Gayumpaman, alang-alang sa iisang layon, ang palayain ang Inang Bayan, ang diwa ng Katipunan ay dala-dala pa rin nina Emilio Aguinaldo. Tuluyang idineklara ang kalayaan noong ika-12 ng Hunyo 1898 sa Kawit, Cavite. Iginiit ang kasarinlan sa Malolos, Bulacan. Naisilang ang unang demokratikong republikang konstitusyunal sa Asya sa Barasoain. Ngunit lahat nang ito ay may kalayuan na sa orihinal na landasin ng Katipunan.

Ayon kay Artemio Ricarte, isa sa mga tagasunod ni Bonifacio at nanatiling tapat sa ipinaglaban ng Katipunan, sa mga pulong at pagtitipon na pinangungunahan ni Bonifacio, lagi niyang binibigyang diin ang mga salitang “katakutan ninyo ang kasaysayan sapagkat wala kayong maitatago dito.” Ito rin ay isinali ni Gregoria de Jesus sa kanyang mga tagubilin sa mga kabataan noong 1928.

Sa tuwing ipagdiriwang ang Araw ng Kalayaan, huwag sana nating kaligtaan ang mga bayaning hindi nangiming kumilos para maranasan natin ang buhay na malaya sa kasalukuyan. Mga bayaning iniwan ang ordinaryong buhay, ang sarap na makapiling ang mahal sa buhay, ang balewalain pansamantala ang mga pangarap dahil kailangan sila ng Inang Bayan, at itaya ang buhay sa pakikihamok.

Ang Araw ng Kalayaan ay araw ng lahat ng mga bayani, lalo na ang mga ‘di na nakilala pa’t naitala ang pangalan at kadakilaan sa kasaysayan. Ang bayang ito ay malaya dahil sa napakaraming Anak ng Bayan na nadama ang panaghoy ni Maypagasa (Bonifacio).

Ian Christopher B. Alfonso is history researcher at the National Historical Commission of the Philippines. He is also the founder and director of Project Saysay.

Get regular updates straight from your Facebook and Twitter accounts with The Blog of Innocence: SilentVoice Points. Make sure that you keep informed about the latest happenings around you. Be a fan of VoicePoints page on Facebook. Join the online conversation of the people behind your history. Follow and get some tweet updates from @voicepoints on Twitter. Discuss and be a part of this changing world. We believe in your voice. We believe in you. Shout! Speak your mind! Join now! You have the right. You have the freedom!

Need advertising partners? Email us now silentvoicepoints@yahoo.com. Advertise with us!

0 comments:

SEARCH

Translate This Blog

Featured on

Featured on

ADVERTISE WITH US

ADVERTISE WITH US

ADVERTISE WITH US