Bestfriends or lovers?

 
Sa title pa lang, alam ko marami nang makakarelate kasi minsan sa buhay natin, nagkaroon tayo ng isang matalik na kaibigan maging babae man ito o lalaki. Ngunit mas madalas na napapalagay ang ating loob kung ang best friend natin ay opposite sex.

Para sa mga lalaki, hindi ko lubos na alam kung bakit nagkakaroon sila ng babaeng matalik na kaibigan pero sa mga babae, masasabi ko na karamihan ng kanilang mga nagiging best friend ay kalalakihan. Sa aking palagay, nangyayari ito dahil, una, mas nararamdaman ng babae na protektado sila kung may magtatanggol sa kanilang lalaking kaibigan. Pangalawa, mas maiintindihan naming mga babae ang mga lalaki lalo na ang mga manliligaw kung paano mag-isip dahil may maaari kaming konsultahin. Pangatlo, mababaw pero nangyayari, hindi kami magkakaroon ng karibal sa mga crushes namin unlike kung babae ang best friend namin. Pang-apat, sa tingin namin, mas mapagkakatiwalaan ang mga lalaki kesa babae sa pagtatago ng mga sikreto. Marami pang ibang dahilan pero madalas, nauuwi sa pagkakagusto ang pagkakaibigan. Hindi malabong isa sa inyo ay nahuhulog na ang loob sa isa, di ba? Nais kong ibahagi ang aking kwento.

Noong bata pa ako, binansagan na akong one of the boys kasi halos lahat ng kalaro ko ay mga lalaki. Dagdag pa rito ang pagkakaroon ko ng dalawang nakababatang kapatid na lalaki at naging mas malapit kami dahil pitong taon ang agwat ng edad ko sa ate ko. Kalaro ko pa noon ang mga kapatid ko sa larong “Langit Lupa”, “Patintero”, “Tumbang Preso”, “Basketball”, “Badminton”, “karera sa bike”, “holen”, “pellet guns” atbp. Kung mapapansin nyo nga ay namulat ako sa mga larong karaniwan na panlalaki. Inakala nga noon ng mga tito at tita ko na lalaki akong kilos lalaki pero hindi naman. Hindi ko naranasan na maglaro ng barbie dolls o kahit na ano pang laruang pambabae dahil wala naman akong kalaro kung iyon naman ang pipiliin kong laruin.

Nang dumating ako sa edad na lima ay nag-aral ako ng kinder 2 sa isang paaralan na eksklusibo lang sa mga mag-aaral na Muslim (Madrasah). Oo, ako ay isang Muslim ngunit hindi traditional na Muslim. Hindi ako madalas nagsusuot ng kasuotang balot na balot. Tuwing may okasyon lamang gaya ng Ramadan kami nagsusuot ng ganoon. Nabibilang kami sa modern Muslims. Nung magsimula na akong mag-aral noon ay nagkaroon ako ng isang kaibigan. Siya ang kauna-unahang bata na lumapit sa akin at nakipagkaibigan. Isang batang lalaki na napakabait at masayahin kaya nga naging malapit kaagad kami sa isa’t isa. Lagi kami noong nagsasabay sa lahat ng bagay. Laging magkasama sa paglalaro tuwing recess, kumakain ng baon, nag-aaral, at pati narin sa pag-uwi. Ang hindi ko malilimutan sa pinagsamahan namin noon ay ang pag-gagala pa namin sa buong komunidad bago kami makarating sa aming mga bahay. Totoong natutuwa kami sa pamamasyal at paglalaro kahit na dalawa lamang kami. Matapos ang maghapong paglalaro ay hinahatid nya muna ako sa aming bahay at bago sya umuwi ay kakain muna kami ng hinandang meryenda ng aking ina. Magkalapit lang naman kami ng bahay pero noon pa lang ay napakabait na nya sa akin.

Nang umabot na ako sa grade 1, hindi ko na sya nakita ulit. Nabalitaan kong lumipat na sila ng bahay at lumipat narin sya ng eskwelahan. Nalungkot ako dahil hindi ko man lang sya nakausap bago sya lumipat pero nagpatuloy naman ang buhay ko. Bata pa naman kami noon kaya madali pang makipagkaibigan sa kahit na sino. Lumipas nga ang dalawang taon na hindi kami nagkita at nagkaroon din ng problema ang “madrasah”. Hindi na nagustuhan ng magulang ko ang pamamalakad ng kasalukuyang principal kaya inilipat nila ako mula sa isang pribado papuntang public school na malapit lang din naman. Grade 3 na ako ng lumipat ako at napunta ako sa section 3 dahil transferee daw kasi ako. Naging top 1 ako ng klase ko sa pagtatapos ng taon na iyon. Nakaugalian na ng paaralan na iyon na i-overall ang lahat ng mga nagta-top sa klase sa bawat section sa bawat antas kaya napabilang ako sa top 10 list ng batch namin at syang naging dahilan kung bakit nang sumunod na taon ay napunta na ako sa section 1 ng grade 4. Sa pagkagulat ko, nakita ko ang kaibigan ko dati. Nandoon lang pala sya sa section 1 simula nung lumipat sya. Hindi ko alam na doon din pala sya nag-aaral. Hindi ko rin sya agad na nakilala dahil first name lang nya ang natatandaan ko noong nagkahiwalay kami. Pero nung tinanong ko sya ay natandaan nya yung mga pinagsamahan namin dati at hindi rin sya makapaniwala na magkasama na ulit kami. Simula nga noon ay naging malapit na naman kami. Naging magkaklase na kami hanggang sa pagtatapos ng elementary. Ngunit nung grade six kami, nauso na ang mga “crushes” kaya nang nagkaroon ng pagkakataon kaming magkakaklase na magkwentuhan ay hindi na namin naitago ang paghanga sa isa’t isa. Oo nga’t napakabata pa namin noon pero dahil narin siguro sa impluwensiya sa paligid kaya umabot na kami sa ganoong usapan.

Sa pagtatapos namin noon ay naging mas malapit pa kami at naging matalik na magkaibigan. Umabot na nga sa puntong tinutukso na kaming dalawa dahil sa pag-amin namin noon sa barkada sa paghanga namin. Nagdesisyon kami noon na kumuha ng entrance exam sa isang high school sa katabing siyudad. Nakapasa naman kami ngunit hindi kami naging magkaklase. Ako ay napunta sa section 1 at sya ay sa section 8. Hindi ko nga alam kung paano nangyari iyon kasi pareho naman kaming masipag mag-aral noon. Dahil nga siguro doon kaya nagkahiwalay na naman kami ng school. Sa iba na sya nag-aral at ako naman, dahil pinigilan na ako ng magulang ko na lumipat, ay nanatili na lang ako sa school na iyon. Nung nagkahiwalay kami ulit ay gumawa kami ulit ng paraan para magkita kasama ang barkada. Tuwing uwian ay nagpupunta kaming lima sa bahay ng isa sa amin para lang magsama-sama. Dumating ang Agosto at nangyari na ang hindi inaasahan. Naging magkasintahan kami. Ang araw na iyon ang hindi ko malilimutan dahil sya ang una kong naging boyfriend at ganon din naman sya sa akin. Na-develop na lang kami isang araw. Nagpunta pa kami sa bahay ng kaibigan namin at napansin nga nila ang lalo pa naming pagiging malapit at inamin na nga namin sa barkada na kami nang dalawa.

Dahil siguro sa bata pa kami pareho noon at sa kakulangan ng kaalaman tungkol sa pagkakaroon ng relasyon, tumagal lamang kami ng halos isang taon. Hindi rin namin parehong nagustuhan ang nangyari pagkatapos dahil nung nasa relasyon kami, parang naiilang na kami sa mga kilos namin. Hindi gaya dati na laging magkatabi, laging magkasama ng walang malisya. Sa madaling salita, nagkahiyaan kami. Sa isang taon na iyon ay hanggang yakap at holding hands lang kami. Minsan nga ay patago pa dahil sa hindi kami sanay. Nakakatawa pero totoo. Minabuti na lang namin na maging magkaibigan na lang ulit simula noong hindi na kami nagkakasundo sa ibang bagay. Hindi naman kami ganoon dati nung matalik pa lang kaming magkaibigan kaya nga naisip namin na mas mabuti nga na bumalik na lang kami sa dati. Hindi rin naging madali ang pagbalik namin sa dati.

Lumipas ang ilang taon at bumalik kami sa pagiging best friends. Nakakatuwa dahil hanggang sa ngayon ay magkaibigan parin kami. Hindi man kami madalas magkita pero alam namin pareho na nandito lang kami para sa isa’t isa lalo na kapag nagkakaroon kami ng problema. Mas masaya kami sa ganitong sitwasyon at buti na lang hindi nasira nang tuluyan yung maganda naming samahan noon. Nakapagtapos kami pareho nang kolehiyo. Ako ay isang nurse na ngayon at sya naman ay isang graduate ng UP Diliman. Isang taon na nga nung huli kaming nagkita pero hindi naman kami nagkakalimutan sa pagtetext at pagchat sa facebook.

Marami akong natutunan sa mga karanasan ko gaya nito. Hindi pala lahat ng magkakaibigan ay maaaring mauwi sa pag-iibigan. Merong iilan na nagtatagal, meron ding hindi. Minsan mas mahalaga ang friendship kaysa sa intimate relationship. Natutunan ko rin na piliin kung saan kayo magtatagal. Swerte na lang din siguro kung makatagpo ka ng isang taong magiging matalik mong kaibigan at magiging kasintahan mo rin sa huli. Hindi lang naman nasusukat ang pagmamahal sa pagkakaroon ng relasyon. Maaari ka rin namang magmahal bilang isang kaibigan o bilang isang kapamilya.

Kaya sa mga mag-bestfriends, sana may natutunan kayo. Sa bagay, bawat relasyon naman ay unique kaya piliin nyo ung mas makabubuti sa inyong dalawa. Goodluck sa inyo. Salamat. :)



Author: OnlyBetterMe

"Write to express, not to impress."

OnlyBetterMe is a Registered Nurse, singer, sweet girl and a good friend. She is looking for a true and lasting love but not in a hurry. She writes from the heart and out of insanity at times.



CONTRIBUTE. Send your articles to  silentvoicepoints@yahoo.com. Subject on your email: VoicePoints. WRITE anything (English or Filipino). SHARE your views. CAPTURE every moment.

Get regular updates straight from your Facebook and Twitter accounts with The Blog of Innocence: SilentVoice Points. Make sure that you keep informed about the latest happenings around you. Be a fan of VoicePoints page on Facebook. Join the online conversation of the people behind your history. Follow and get some tweet updates from @voicepoints on Twitter. Discuss and be a part of this changing world. We believe in your voice. We believe in you. Shout! Speak your mind! Join now! You have the right. You have the freedom!

The Blog of Innocence: SilentVoice Points is accepting works and articles - news on our nation and the world, social issues, environment, advocacy, entertainment, trending issues and events, history, literature, reviews, travel, science and technology and discoveries. We reserve the right to edit and not to publish articles for reasons of libel and ethics.

Need advertising partners? Email us now silentvoicepoints@yahoo.com.  Advertise with us!

0 comments:

SEARCH

Loading...

Translate This Blog

Featured on

Featured on

ADVERTISE WITH US

ADVERTISE WITH US

ADVERTISE WITH US