Ayoko na pong Maging Anak ng Pulitiko

Bata pa lamang ako, alam ko na ang ibig sabihin ng salitang “pulitika”. Apat na taon pa lamang kasi ako noon, nang tumakbo ang aking ama bilang Mayor ng kinalakhan kong bayan. Tahimik at simple lamang ang aming tahanan, ngunit nag-iba iyon nang pumasok na si ama sa pulitika.

May katabaan at maliit lamang ang aking ama, ngunit hindi maipagkakailang matalino at madiskarte siya. Nakamayan niya na yata ang lahat sa aming bayan noon. Mula sa pinaka-dukha, hanggang sa may pinakamataas na posisyon sa aming lugar. Mula sa may pinakamaduming kamay at puro putik na talampakan, hanggang sa mga makukulay na kuko at nagkikintabang sapatos.

Ang aking ina naman ay palaging may dala-dala noong malaki at kulay pula na bag. Palagi siyang nakabihis ng kaniyang pinaka-makukulay na damit. Palaging nasa loob ng kaniyang opisina at maraming hawak na papel. Palagi ko siyang nakikitang nakangiti sa harap ng maraming tao, ngunit napapalitan iyon ng kunot na noo tuwing papasok siya sa kaniyang kuwarto.

Mag-isa lamang akong anak, at alam kong masuwerte ako sa kahit na sinong bata sa aming lugar. Nakakakain ng tatlong beses sa isang araw, kadalasan ay sobra pa. Nalulunod sa malalaki at naggagandahang laruan na nasa aking kuwarto. Ngunit, parang may kulang.

Naaalala ko, eleksiyon din noong mga panahong iyon. Anim na taong gulang pa lamang ako.

Naglalakad ako sa aming malaking tahanan, narinig kong mag-isang nagsasalita si Ina noon sa kaniyang kuwarto. Pumasok ako ng dahan-dahan.

“Mga kababayan! Kapag ibinoto ninyo ang aking mister, ibinoto niyo rin ang pamahalaan ng mga tao, galing sa mga tao, at para sa mga tao!” sabi niya habang nakatayo at tila ba kinakabisado ang bawat linya.

“Ina, may kinakausap po ba kayo?” tanong ko na puno ng kainosentehan ng isang bata.

“Wala! Lumabas ka na lamang doon at makipaglaro sa ibang bata!” singhal niya.

Nagpatuloy ako pag-iikot sa aming tahanan, nang madaanan ko naman ang kuwarto ni Ama.

“Mga kababayan! Kapag ako ang inyong ibinoto, aking ipinapangako na magkakaroon tayo ng pamahalaang malinis at tapat!” sabi niya habang katulad ni Ina, ay nakatayo at tila kinakabisado rin ang bawat linya.

“Pero ama, narinig ko na rin iyang sinabi ni Ina…” sagot ko na puno ng kainosentehan ng isang bata.

“Oh? Ikaw! Bakit ka nandito hindi ba dapat ikaw ay nasa sariling kuwarto mo?” singhal din ni Ama.

Tumakbo ako sa gilid ng pintuan at saka patuloy na nakinig. Habang siya rin ay patuloy na nagsalita.

“Mga kababayan! Kapag ako ang inyong ibinoto, nangangako akong ipasesemento ang ating mga kalsada!..” pagpapatuloy niya.

“Pero, ama, ipinangako niyo na rin iyan dati. Ipinangako niyo na nga rin na ipapapayos ang kuwarto ko ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring nangyayari.”

“Aba! Ano ba ang sinabi ko sayo? Hindi ba’t sabi ko ay doon ka sa kuwarto mo?!” sigaw niya habang kinukuha niya ang sinturon niya mula sa kanyang pantalon upang ipalo sa akin.

“Ooops… Ama, kapag pinalo ninyo ako, sasabihin ko sa lahat na huwag kayong iboto.” sabay takbo papalabas ng aming tahanan.

Tumakbo ako nang tumakbo hanggang sa makalabas sa aming bakuran. Takot na takot na maabutan ng makapal na sinturon ni Ama. Naglakad ako, nang biglang nakakita ako ng batang tila kasing edad ko pa lamang noon. Madumi, madungis, nakatitig siya at tila ba’y galit na galit sa akin. Nagulat ako nang bigla siyang sumigaw ng malakas at sinabing:

“Hoy! Anak ng mga kurakot! Ang taba ng tatay mo! At patuloy pa siyang tumataba sabi ng nanay ko dahil sa pera namin!”

Hindi ko naiwasang hindi sumagot pabalik, “Hoy! Inggit ka lang dahil mataba ang tatay ko. Tatay mo kasi, mapayat! Mapayat dahil laging utusan ng nanay mo!

Tumakbo siya palapit sa akin at bigla niya akong binigyan ng malakas na suntok. Hindi ako nagpatalo at ibinigay ko rin ang pinakamalakas kong suntok. Saka ako tumakbo pabalik sa amin nang umiiyak.

Nagkulong ako sa aking silid noon, saka umiyak ng malakas. Pawis na pawis ako at nananakit ang mga kamay at ang pisngi dahil sa suntok ng batang iyon. Walang nakaririnig sa akin, abala si ina at ama sa kanilang sariling mga gawain.

Nang tumigil na ang luha mula sa pagbagsak nila sa aking mga mata, lumuhod ako sa sulok at saka nanalangin.

“Diyos ko, sana po naririnig Ninyo ako. Ayaw ko na po maging anak ng isang pulitiko.”



Author: anne

Isang taong sa pagsusulat lamang naibabaling ang hindi lubusang masabi ng bibig. Seryoso ngunit madalas ay bata-isip. Hindi nag-aral ng pormal sa pagsusulat, hinahayaang ang puso at isip ang magtakda ng bawat titik.
Disclaimer: The views in this post are those of the author and do not necessarily reflect the views of The Blog of Innocence: SilentVoice Points.



CONTRIBUTE. Send your articles to  silentvoicepoints@yahoo.com. Subject on your email: The Blog of Innocence: SilentVoice Points. WRITE anything (any language). SHARE your views. REVIEW the latest happenings. CAPTURE every moment.

Get regular updates straight from your Facebook and Twitter accounts with The Blog of Innocence: SilentVoice Points. Make sure that you keep informed about the latest happenings around you. Be a fan of VoicePoints page on Facebook. Join the online conversation of the people behind your history. Follow and get some tweet updates from @voicepoints on Twitter. Discuss and be a part of this changing world. We believe in your voice. We believe in you. Shout! Speak your mind! Join now! You have the right. You have the freedom!

The Blog of Innocence: SilentVoice Points is accepting works and articles - news on our nation and the world, social issues, environment, advocacy, entertainment, trending issues and events, history, literature, reviews, travel, science and technology and discoveries. We reserve the right to edit and not to publish articles for reasons of libel and ethics. To submit, email us at silentvoicepoints@yahoo.com. Share your own stories now! 

Need advertising partners? Email us now silentvoicepoints@yahoo.com.  Advertise with us!

0 comments:

SEARCH

Translate This Blog

Featured on

Featured on

ADVERTISE WITH US

ADVERTISE WITH US

ADVERTISE WITH US