Manny Pacquiao and The Filipino Pride

At lahat ng pagbubunyi’y naglaho.

Natahimik ang lahat. Hindi makapaniwala. Nawindang nang sa bihirang pagkakataon si Manny Pacquiao ay humalik sa lona. Walang sumisigaw at nagshout-out ng “I’m Proud to be Filipino!”.

Kung bakit ba naman kasi nakadepende ang Filipino Pride sa iilang tao lang, katulad ni Manny Pacquiao. Paano kung dumating ang sandaling hindi na niya makuhang maipagtanggol ang Filipino Pride?

Paano kung kabiguan ang kanyang maihatid sa kanyang kababayan sa halip na katagumpayan? Paano kung lahat nang inasaahan sa kanya ay ‘di na niya matupad? Tila dumating na nga ang araw na iyon, gabi ng Disyembre 8, 2012 nang malasap ni Manny ang sinasabing pinakamalalang talo niya sa kasaysayan ng Boksing.

Nasaan na ang dati’y nagbubunyi at nang-aalipusta sa lahi ng Mexicano noong sunod-sunod ang tagumpay ni Manny?

Dahil ba sa pagkakataong ito na nabigo si Manny ay aalipustahan na rin nila ang dating idolo? Anong lohika ba mayroon ang mga Pilipino at dapat nating ipangalandakan at ipagyabang sa mundo ang ating lahi sa tuwing mayroong isang ating kababayan na pumapaimbulog sa kanyang larangan?

Sila na mas mayabang at mas maangas pa kaysa sa nag-uwi ng tagumpay at karangalan. Paano kung sila’y matalo at mabigo…ibig bang sabihin nun na wala na tayong dapat na ikarangal?

In the first place, dapat bang tayo’y magmayabang? Hindi ba’t mas kapuri-puri ang may mababang kalooban at mapagkumbaba? Sino ba kasi ang nag-imbento ng slogan na “I’m proud to be Filipino!” Uulitin ko, ang karangalan ng lahi ay hindi dapat nakasalalay sa iilang taong matagumpay dapat ito’y pinagsama-samang mabuting asal, talino, talento o tagumpay ng isang lahi katulad ng tagumpay ng mga Hapon sa larangan ng teknolohiya, ang tunay na pagmamahal at pagtangkilik ng mga Koreano sa kanilang bansa, ang progresibong mentalidad ng mga Briton at solidong pagpoprotekta ng batas ng mga Amerikano, at marami pang iba. May naisip ka bang pwedeng ipangtapat dito?

Si Manny Pacquiao ay itinuring ng marami nating kababayan na Superhero. Superhero na hindi nadadaig at hindi nagagapi ng mga kalaban, handang tumulong anumang oras, hinahangaan at tinitingala ng ninoman. Subalit nakalimutan natin na siya’y tulad din natin, mortal; na anumang oras ay maaaring magapi at masawi. Ang sinumang nasa itaas na nasa kalagitanaan ng rurok ng tagumpay ay nakatakda at wala nang ibang pupuntahan kundi ang bumaba at iba pa nga’y malakas ang pagbasak. Katulad ng paglagapak ng napakaraming tao na inakalang habangbuhay ang tinatamasang tagumpay. Lahat ng bagay na nasa atin ay hiram lamang magmula sa anumang suot mo hanggang sa mga ari-arian mo hanggang sa posisyong kinalalagyan mo ngayon. Darating ang panahon na tayo’y kukupas at lilipas kasama rin dapat ito sa ating inaasahan at pinaghahandaan.

“Sometimes we win, sometimes we lose”.

Ito ang pahayag ni Manny pagkatapos ng kanyang nakadidismayang laban. Mabuti pa ang taong ito na itinaya ang buhay at karangalan ay marunong tumanggap ng pagkatalo hindi tulad ng napakaraming mga tao na palaging nagrereklamo at nag-aalibi sa tuwing mabibigo. Maaring sa umpisa’y hindi muna lubos na matanggap ang kasawian pero hindi dahilan ito para mapako at malubog kung saan ka sumubasob. Ngunit ang higit na nakakadismaya ay ang biglaang pagkambyo ng dating masugid na taga-suporta ni Manny; sila na ubod-yabang sa tuwing mananalo si Manny pero ngayo’y puro pintas ang lumalabas sa bibig patungkol sa lifestyle ng asawang si Jinkee gayundin sa kanyang ina na si Mommy Dionisia. Palagi na lang tayong may dahilan, palagi na lang tayong naghahanap ng escape goat, palagi na lang tayong naghahanap ng pagkakatuwaan.

Tunay ngang ang tadhana’y mayroong trip na makapangyarihan. Sino bang mag-aakala na pagkatapos pasukuin at gibain ni Manny ang higit na malalaking kinalaban niya na tulad nina Dela Hoya, Cotto, Hatton at iba pa, isang hindi kalakihang si Marquez ang magpapabagsak at literal na magpapalugmok sa kanya. Sa panahong mayroon tayong inaasahan pag pinagtripan ka ng tadhana wala kang magagawa. Sa panahong labis ang iyong excitement biglang may sasalubong na masamang balita. Sa panahong labis ang iyong tiwala sa sarili mong kakayahan doon ka pa mabibigo at iyan nga ang nangyari kay Manny.

Maaaring nakatakdang matalo si Manny para ipaalala sa atin na parati at palaging may nakahihigit sa taglay nating lakas, talino at talento. Habang tinitingnan o binabasa ko noon kung paano laiitin, murahin at alipustahin ang mga tinalo noon ni Manny, napapailing ako.

Paano kung sa atin ito gawin?

Higit na bayolenteng reaksyon ang ating igaganti dahil ang mga Pilipino ay balat-sibuyas; na kaunting puna lang ng mga kritiko ay agad tayong nag-aalburuto, kaunting pintas lang sa ating magaspang na ugali agad tayong magrereklamo samantalang ang hilig din nating mamintas, kaunting paglalahad lang ng kalagayan ng ating bansa o krimeng nagaganap pabubulaanan natin ito sa halip na aksyonan at solusyunan.

You can not serve two masters at the same time.

Kung hindi ka naniniwala dito, maniwala ka na. Isang malaking halimbawa dito si Manny Pacquiao. Simula nang siya’y mag multi-tasking bumababa ang kalidad ng kanyang paglalaro ng boksing dahil nga sa dami ng kanyang pinagkakaabalahan. Ninais niyang maging artista, recording artist, producer, host, all-around athlete, pastor, congressman o lingkod-bayan, pilantropo, negosyante, commercial endorser bukod pa sa pagmamahal niya sa pagbo-boksing. Sadya ngang ang tao’y walang kakuntetuhan. Kung ano ang hawak o taglay mo ngayon darating ang panahon na mag-aasam ka ng higit pa dito. Kung ano ang posisyon mo ngayon asahan mong aambisyonin mong higitan ito.

Kung paano mo hawakan ang tagumpay na hawak mo ngayon ay mahirap panatilihin ngunit hindi naman talaga kailangang hawakan ng habangbuhay ang katagumpayan ang dapat lang ay maluwag sa dibdib nating ito’y bitawan at ipasa ito sa ibang may karapatan din. Walang panghabangbuhay lahat ay nakatakdang magwakas katulad ng posibleng pagwawakas ng karera sa boksing ni Manny Pacquiao. Ngunit sa pagtatapos na ito tiyak na may magbubukas ng isang bagong hamon at isang magandang simula.

Buksan ang bagong pahina ng libro; mayroon ding iba pang ibang gumagawa ng bagong istorya at kasaysayan. Isantabi muna ang Filipino Pride na maangas. Move on na, Pilipinas.



Author: ragubalane

Disclaimer: The views in this blog are those of the author and do not necessarily reflect the views of The Blog of Innocence: SilentVoice Points.



CONTRIBUTE. Send your articles to  silentvoicepoints@yahoo.com. Subject on your email: The Blog of Innocence: SilentVoice Points. WRITE anything (any language). SHARE your views. REVIEW the latest happenings. CAPTURE every moment.

Get regular updates straight from your Facebook and Twitter accounts with The Blog of Innocence: SilentVoice Points. Make sure that you keep informed about the latest happenings around you. Be a fan of VoicePoints page on Facebook. Join the online conversation of the people behind your history. Follow and get some tweet updates from @voicepoints on Twitter. Discuss and be a part of this changing world. We believe in your voice. We believe in you. Shout! Speak your mind! Join now! You have the right. You have the freedom!

The Blog of Innocence: SilentVoice Points is accepting works and articles - news on our nation and the world, social issues, environment, advocacy, entertainment, trending issues and events, history, literature, reviews, travel, science and technology and discoveries. We reserve the right to edit and not to publish articles for reasons of libel and ethics. To submit, email us at silentvoicepoints@yahoo.com. Share your own stories now! 

Need advertising partners? Email us now silentvoicepoints@yahoo.com.  Advertise with us! 

0 comments:

SEARCH

Translate This Blog

Featured on

Featured on

ADVERTISE WITH US

ADVERTISE WITH US

ADVERTISE WITH US