Widgets

Ika-75 Anibersaryo ng Pambansang Wika


Bawat bayan ay may sariling wika gaya ng pagkakaroon niya ng sariling pag-iisip.

– Mula sa "Si Rizal Hinggil sa Isang Wikang Pilipino," talumpati ng Pangulong Manuel L. Quezon noong idineklara niya ang paglikha ng isang Pambansang Wika hango sa Tagalog noong ika-30 ng Disyembre 1937, ang petsa ng paggugunita sa kabayanihan ni Dr. Jose Rizal.

Mensahe ni Pangulong Quezon ukol sa paglikha ng Pambansang Wika

MLQ
Ang Pangulong Quezon habang binibigkas niya sa radyo ang kanyang talumpati ukol sa Wikang Pambansa.

Ika-30 ng Disyembre 1937

Pangulong Manuel L. Quezon: Mga Kababayan:

Nagdudulot sa akin ng di matingkalang kasiyahan na maipahayag ko sa inyo na ngayong ika-41 anibersaryo ng pagmamartir ng nagtatag at pinakadakilang tagapamansag ng nasyonalismong Pilipino, ay naging karangalan kong ilagda, bilang pag-alinsunod sa utos ng Konstitusyon at ng umiiral na batas, ang isang Kautusang Tagapagpaganap na nagtatalaga sa isa sa mga katutubong wika na maging batayan ng wikang pambansa ng bayang Pilipino. Ang Kautusang Tagapagpaganap ay gaya ng sumusunod:

(Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134, na nagpapahayag na ang Tagalog ay siyang magiging batayan ng wikang pambansang Pilipino.)

Sa kanyang makabayang pagsisikap na maitaguyod ang nasyonalismong Pilipino ay inilagay ni Rizal sa bibig ni Simon, sa pakikipag-usap kay Basilio, ang sumusunod na kataga, “Ang Kastila ay hindi kailan man magiging wikang pangkalahatan ng bansa; ang baya’y hindi kailan man magsasalita nito. Bawat bayan ay may sariling wika gaya ng pagkakaroon niya ng sariling pag-iisip. Pinagpipilitan ninyong mabuti na hubdan ang sarili ng angking katauhan bilang isang bayan; nalilimutan ninyo na habang pinangangalagaan ng isang bayan ang kanyang wika ay taglay niya ang isang tanda ng kanyang kalayaan, gaya rin ng pagtataglay ng kalayaan ng isang tao habang pinangangalagaan niya ang kanyang sariling laya ng pag-iisip. Ang wika ay siyang nagpapahayag ng mga kaisipan at mithiin ng isang bayan.”

Kaya, sa pagpapasiyang mapagtibay ng isang wikang pambansa na pinili sa iba’t ibang wikang sinasalita sa Pilipinas at lalo na sa Tagalog na hindi lamang siyang katutubong. wika ni Rizal kundi siya ring pinakamaunlad sa lahat ng wikang umiiral sa bansa, ay isinasakatuparan lamang natin ang isa sa mga mithiin ng ating bayani bilang paraan ng pagbuo at pagpapalakas sa ating pagkakaisa.

Sa loob ng mahigit na tatlong daang taon ng kapangyarihan ng Espanya sa Pilipinas, ang Kastila ay siyang wikang opisyal, gayon man, nang mapasakamay at pamahalaan ng Estados Unidos ang Kapuluang ito, ang Kastila ay hindi naging wikang panlahat sa ating bayan. Sa pagkakatatag ng pamamahalang Amerikano, ang Ingles ay siyang naging wikang opisyal dito sa atin; nguni’t sa kabila ng pangyayaring ang Ingles ay itinuturo na sa lahat ng paaralang bayan natin sa loob ng mahigpit na isang henerasyon, ito’y hindi naging wika ng ating bayan. Sa kasalukuya’y walang isang wika na sinasalita at nauunawaan ng lahat ng Pilipino, ni ng nakararami sa kanila, bagay na nagpapatunay lamang na samantalang ang pagtuturo ng isang wikang dayuha’y maaaring ipag-utos sa isang bayan, hindi naman maaari kailan man na mapalitan ng wikang iyan ang katutubong wika bilang kasangkapan ng bansa sa pagpapahayag. Ang dahilan, wika nga ni Rizal, ay sapagka’t ang pag-iisip ng bansa ay nag-uugat sa isang wikang panlahat na umuunlad at sumisibol na kaalinsabay ng pagkasulong ng bansa. Maaari nating hiramin sa loob ng isang panahon ang wika ng ibang bayan, nguni’t hindi tayo tunay na makapag-aangkin ng isang wikang pambansa maliban sa pamamagitan ng pagpapatibay, pagpapaunlad at paggamit ng isang wika na sariling atin.

Kalabisan na sa aking ilarawan pa kung gaano kahalaga sa ating bayan ang pagkakaroon ng isang wika na magagamit ng lahat sa kanilang pag-uusap araw-araw. Hindi maaaring Ingles o Kastila, maliban na lamang marahil, kung bagaman, kung makaraan na ang maraming henerasyon at sa napakalaking gugol. Hindi tayo makapaghihintay ng ganoon katagal. Dapat na sa lalong madaling panahon ay makapag-usap tayo nang tuwiran sa pamamagitan ng iisang wika. Kailangan natin ang kanyang lakas upang lubusang mabigkis tayo sa iisang pagka-bansa na malakas at matibay. Makapagbibigay ito ng inspirasyon at sigla sa ating kilusang bayan at magdudulot sa ating pagka-bansa ng isang bagong kahulugan na hindi natin kailan man naipahayag nang sapat at lubusan. Bilang Pangulo ng Pilipinas, di miminsa’t mamakalawang nadama ko ang malaking kahihiyan na magsalita sa mga tao sa pamamagitan ng isang interprete doon sa mga lalawigan ng Kapuluan na ang wikang ginagamit ay Ilokano, o kaya’y Bisaya, Kapampangan o Bikol.

Ang pagkakaroon natin ng sariling wikang pambansa ay hindi nangangahulugang tatalikdan natin sa ating mga paaralan ang paggamit o pag-aaral ng wikang Kastila, lalo na ng Ingles, na sa ilalim ng ating Saligang-batas, ay siyang batayan ng ng pagtuturo sa paaralang primarya. Pangangalagaan ng wikang Kastila para sa atin ang ating kalinangang Latin at siya nating magiging kasangkapan sa pakikipag-ugnayan sa ating dating inang lunsod gayon din sa Amerika Latina; ang Ingles, dakilang wika ng demokrasya, ay siyang mag-uugnay sa atin magpakailan man sa mga mamamayan ng Estados Unidos at magdudulot sa atin ng mga karunungang nakasulat at iniingatan sa wikang ito.

Nagkaroon ng panahon na tila hindi maaari sa mga Pilipino na pagkasunduan nilang ang isa sa mga katutubong wika ay piliin na maging wikang pambansa, nguni’t sa wakas ay napakilala nating lahat na kung ang isang wikang dayuhan ay matatanggap natin para maging wikang opisyal ng Pilipinas, lalong matuwid namang dapat nating tanggapin ang isa sa mga wikang katutubo natin upang maging wikang pambansa nitong ating bayan. Hindi sa pagbibigay ng lagpas na pagpapahalaga sa tungkuling ginagampanan ng isang wikang panlahat sa buhay ng isang bayan, maaaring banggitin natin ang katotohanan na sa Silangan ang kaisa-isang bansang nakagawa ng pinaka-malaking pagkasulong at nakasapit sa isang mataas ng kala-gayan sa angkan ng mga bansa, ay ang tanging bansang may isang wikang panlahat—ang Hapon. At ang alin pa mang ibang bansa na nakapagtamo ng pagka-bansa at sa kapang-yarihan, maging sa lupalop ng Amerika at sa Europa, at maging sa Aprika, ay bansang may isang wika na pambansa at panlahat.

Ngayong araw na ito, sa pagpapatibay sa Tagalog bilang saligan ng wikang pambansa ng Pilipinas, ay naisakatuparan natin ang isa sa pinakamimithing pangarap ni Rizal.

Wala nang lalong mabuting paraan ng pagpaparangal natin sa banal niyang alaala sa anibersaryong ito ng kanyang pag-papakasakit sa kapakanan ng ating malayang pagkabansa.

Hinahangad ko para sa inyong lahat ang isang Maligayang Bagong Taon.

Mensahe ni Pangulong Aquino ukol sa ika-75 anibersaryo ng Pambansang Wika



Ika-30 ng Disyembre 2012

PANGULONG BENIGNO S. AQUINO III: Bumubukal ang pagkakaisa’t pagbubuklod mula sa pagkakaintindihan at pagkakaunawaan. Nagagawa natin ito gamit ang isang wikang tunay na sumasalamin sa mga pamana ng kasaysayan, at sa mga kolektibong adhika natin bilang isang bayan.

Sa araw na ito, tatlong henerasyon na ang nakakalipas mula nang itaguyod ni Pangulong Manuel L. Quezon ang ating Pambansang Wika. Matapos ang mahabang diskurso at masalimuot na proseso, itinakda ang batayan na nagsilang sa Filipino—ang ating wikang pambansa. Hanggang ngayon, patuloy pa rin nitong pinatatatag ang ating ugnayan bilang mga Pilipino.

Sinadya nga pong itapat ang paglagda sa pag-iral ng Pambansang Wika, sa araw ng paggunita kay Dr. Jose Rizal.

Minithi niya ang isang bansang malaya at may sariling pagkaka-kilanlan; sa pagpapatibay ng Pambansang Wika, napalapit tayo sa katuparan ng mithiing ito.

Isinasatinig ng ating wika ang mga karanasan, mga pagsubok at tagumpay ng sambayanan; ang ating kalayaan at pang-araw-araw na gawi. Nagkakahugis ang kasaysayan; nabibigkas ang ating adhikain; nasasa-titik ang ating kolektibong damdamin.

Sagisag ang pagsisikap ni Rizal sa pagsusulong ng Wikang Pambansa sa ating mga pananagutan: makitungo nang patas sa ating kapwa, intindihin ang mga suliraning kanilang hinaharap, at iangat sila upang malampasan ang mga ito.

At sa taon ding ito, ginugunita natin ang ika-isandaang taon mula nang ilagak ang mga labi ng ating pambansang bayani sa Rizal Park, kung saan malayang nakapagpupugay ang taumbayan sa kanyang mahalagang ambag sa paghubog ng bayan. Sa ngalan ng kanyang alaala, patuloy po tayong tumutugon sa mga hamon ng ating panahon:

Paano hahabiin ang pagkakaisa sa kabila ng mga pagkakaiba? Paano pag-aalabin ang malasakit sa kapwa’t sa bandila? Nawa’y maging mas masigasig ang ating pakikisagwan sa iisang direksyon upang maging ganap ang potensyal ng ating Wikang Pambansa.

Sa liwanag ng katotohanan at katapatang ipinababatid ng ating wika, at ng katangi-tanging pamana ni Rizal, tumitingkad ang ating pagkakaisa, lumalakas ang ating tinig at pagkakapit-bisig tungo sa pag-abot ng ating mga mithiin.

Taas-noo nating ipagmalaki ang wikang Filipino, saanmang panig ng mundo. Maraming salamat po.
Get regular updates straight from your Facebook and Twitter accounts with The Blog of Innocence: SilentVoice Points. Make sure that you keep informed about the latest happenings around you. Be a fan of VoicePoints page on Facebook. Join the online conversation of the people behind your history. Follow and get some tweet updates from @voicepoints on Twitter. Discuss and be a part of this changing world. We believe in your voice. We believe in you. Shout! Speak your mind! Join now! You have the right. You have the freedom!

Need advertising partners? Email us now silentvoicepoints@yahoo.com. Advertise with us!


0 comments:

Take our survey!