Speech of President Aquino at the launching of Project NOAH, July 6, 2012


FULL TRANSCRIPT:
Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas

Sa paglulunsad ng Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards)

[Inihayag sa Barangay Nangka, Lungsod ng Marikina, noong ika-6 ng Hulyo 2012]

Magandang umaga po. Maupo po tayong lahat.

Secretary Mario Montejo; Secretary Sonny Coloma; siyempre, iyong “tatay” po ng Marikina, Tatay Del de Guzman [laughter]; ating pong ginagalang na kinatawan—Frederico ka pala, Miro [laughter]; Congressman Biazon; Mayor Karen Villanueva; Dr. Cesar Saloma; Dr. Alfredo Lagmay; Dr. Nathaniel Servando; of course, former Representative Risa Hontiveros-Baraquel; proponents of Project NOAH; other local government officials present; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:

Magandang umaga po sa inyong lahat. [Applause]

Bago ho ang lahat, talagang gusto kong magpasalamat, talagang napakainit po ng salubong ng mga taga-Marikina. Napakarami pong taong nasa labas na sumalubong sa ‘tin; [applause] at pinaalala po sa atin, na noong Martial Law—1978 to be precise—tatay ko po nandoon sa grupo ang ngalan ay LABAN o Lakas ng Bayan. At kung naaalala po n’yo, sa buong Metro Manila, tatatlo lang ang lugar pinanalunan po ng aking ama sampu ng kanyang kakampi dahil uso po noong araw iyong “block voting” o “bulok” voting, ‘di ho ba? Marikina po ang isa diyan. Kaya naman dapat ‘di na tayo magtaka kung talagang bakit hanggang sa ngayon ay talagang magkasangga pa ho tayo. [Applause]

Tatandaan ko na po ‘yan, ‘pag ako po’y nalulungkot, dadalaw na lang po ako dito kay Tatay Del. [Laughter] At siguro’y maaayos na po ang araw natin.

Noon po, noong tuwing panahon ng tag-ulan, hindi po ba’t karaniwan na kung ating marinig kay Juan de la Cruz ang mga linyang “Bahala na si Batman,” “Handa akong makipagsapalaran,” o “Ipagpasa-Diyos na lang natin ang lahat?”

Sa mga nagdaang taon, tila ba ito na ang nakasanayan ng mga Pilipinong malapit sa peligro ng bagyo: Kapag kumulimlim na ang kalangitan, magsimula ka nang kabahan; kapag dumagundong na ang kulog, huwag ka nang umasa pang magiging mahimbing ang iyong pagtulog.

Sa haba sa kasaysayan natin sa bagyo, hindi ba dapat sanay na tayong mga Pilipino? Ayon nga po sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, nasa dalawampung bagyo ang dumadaan sa Pilipinas taon-taon. Mantakin po ninyo: sa limandaang insidente ng bahang naitala noong taong 2000 hanggang 2011, umabot na sa halos isang milyon at pitongdaang pamilyang Pilipino ang naapektuhan nito. Ang danyos-perhuwisyo naman, pumalo na sa lampas isandaan at animnapung bilyong piso. Malinaw po: ang pinsalang dulot ng baha sa buhay, bahay, at kabuhayan ng mga Pilipino ay hindi po biro.

Nang magsimula po tayong manungkulan, pinagtuonan po natin ng pansin ang mga suliraning hatid ng bagyo. Isa po sa mga isinulong natin: pagbutihin at dagdagan ang ating mga kasangkapan. Ang apat na locally-assembled na water level monitoring sensors na dinatnan natin noong 2010, nadagdagan natin ng siyam nitong 2011 at labindalawa na ngayong 2012, at hindi pa ho tapos ang 2012. Isandaang automated rain gauges naman po ang nai-assemble natin noong nakaraang taon, at ngayon, suma-total walumpu’t anim na dito ang nai-deploy sa iba’t ibang rehiyon sa bansa. Simula noong 2010, operational na rin ang anim na Doppler radar stations natin sa Baguio, Subic, Tagaytay, Virac, Mactan, at Hinatuan. Tatlong karagdagang Doppler weather radars naman ang inaasahan nating maging operational sa Tampakan, Aparri, at Baler bago matapos ang 2012.

Sa kabila po ng mga tagumpay na ito, mulat tayo na ang malawakang pagbabago ay hindi magaganap sa isang idlip lang.

Sa araw pong ito, nagtitipon-tipon tayo upang ilunsad ang Project NOAH, o ang Nationwide Operational Assessment of Hazards ng Department of Science and Technology. Sama-sama po tayong umuusad sa kolektibo nating layon: ang magkaroon ng mas tiyak at mas maaasahang sistema para mailayo sa peligro ang ating mga kababayan, at maiwasan o mabawasan ang pinsalang dulot ng kalamidad sa atin pong bansa.

Ang Project NOAH po ang magsisilbing arko ng mga Pilipino laban sa delubyo. Tutuldukan na natin ang nakasanayang pagtitiis tuwing tag-ulan. Hindi na puwede ang “bahala na,” sawa na tayo sa kaba. Sa tama at sapat na kaalaman, sasanayin natin ang mga Pilipino sa puspusang kahandaan.

Layon ng proyektong ito na makapaglaan ng sapat na oras sa pagbibigay-babala sa baha, lalo na sa mga komunidad na malapit sa labingwalo nating major river basins. Gamit ang lokal na teknolohiya at makabagong kasangkapan, bibigyang-lakas at kakayahan natin ang mga lokal at pambansang pamahalaan upang higit pang mapabuti ang kanilang operasyon at pagkilos tuwing darating ang malakas na pag-ulan.

At ngayon pong nailunsad na ang Project NOAH, tiwala tayong madadagdagan pa at mapapabuti ang ating mga kasangkapan at kagamitan. Ang target po ng DOST: animnaraang locally-produced automated rain gauges at apatnaraang water level monitoring sensors ang maipakabit sa mga piling lokasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa bago matapos ang 2013 (Mario, 2013 ha?). [Applause] Ibig sabihin niyan next year na ‘yon, Mario. [Laughter] At ang lahat po ng mga ito, dito mismo sa Pilipinas gagawin; gawang Pilipino, para sa Pilipino. Sa sigasig po ni Secretary Mario Montejo, tiwala po tayong maaabot ito. Baka sa 2012, halos matapos ‘to, hindi ho ako magagalit kung matapos ng 2012. [Laughter] Pero puwede na ho iyong 2013. [Laughter]

Kung masisilip nga po ninyo ang website ng Project NOAH sa (dito po iyong mga hindi nag-aral ng computer na nag-aaral, dadahan-dahanin ko na ho’t baka magkamali ng address) website ng Project NOAH sa  noah.dost.gov.ph, (tama na ba ‘yon?). [Laughter] Mabibilib kayo sa ginhawang hatid ng ginagamit nating teknolohiya. I-type mo lang ang iyong lokasyon, at gamit ang ating Doppler radars at iba pang kagamitan, malalaman mo na ang kondisyon ng panahon, at kung gaano kalakas ang magiging pagbagsak ng ulan sa inyong lugar. ‘Di na ho tayo makikiusap. Hindi na tayo maghihintay ng balita; anytime po puwede na raw pasukan ‘yan at malaman.

Sa dami po ng binanggit nating makabagong kagamitan, ang tanong po: anong pagbabago ba ang hatid nito sa karaniwang Pilipino?

Ngayon po, hindi na palad ang panukat sa lakas ng ulan. Tiyak ang datos na makakalap natin sa ating rain gauges. Hindi na po tuhod, baywang, at ulo ang panukat natin sa nibel ng tubig-ulan; eksaktong sukat na ang hatid sa atin ng water level sensors. Hindi na rin po padadaanin sa hula ang lagay ng panahon at kung saan babagsak ang ulan; real time na datos at impormasyon na rin ang hatid sa atin ng Doppler radars.

Sa ilalim po ng Project NOAH, mapapabuti at mapagsasama-sama na natin ang lahat ng akma at napapanahong impormasyong kailangan sa kalamidad. Ang lahat po ng ito, magbibigay-lakas sa operasyon ng ating mga ahensiya tuwing nagbabadya ang malakas na ulan at pagbaha. Ngayon po, wala nang kanya-kanya, at pinagsanib-pwersa at pinag-isa na ang ating mga inisyatiba para mapaghandaan ang sakuna.

Hindi po milagro ang nangyari sa proyektong ito; bunga ito ng pagbabayanihan ng Department of Science and Technology sa pangunguna nga ni Secretary Mario Montejo, kasama na si Dr. Nathaniel Servando ng PAGASA, ng Unibersidad ng Pilipinas, at ng iba pang katuwang na ahensiya. Kayo ang nagpapatunay: hindi totoong “ang buhay ay weather-weather lang” [laughter and applause]—nasa kamay natin kung sisikat ang magandang araw ng kinabukasan, at nasa atin rin kung habang panahon tayong kukublihan ng bagabag. Gamit ang agham at teknolohiya, katambal ang sigasig at wagas na serbisyo, kaya nating mapangalagaan ang kapakanan ng sambayanang Pilipino.

Sa bibliya, si Noah ang bumuo ng arkong nagsilbing kanlungan laban sa sakuna. Ang Project NOAH naman po ang tugon ng ating panahon sa delubyong dulot ng pangamba at kapahamakan, at siyang magtitimon sa mga Pilipino sa direksyon ng kahandaan at kapanatagan. Ito po ang magsasagwan sa atin tungo sa kaligtasan.

Tandaan po natin palagi na nasa iisang bangka lang tayong mga Pilipino. Ipagpatuloy lang po natin ang pagkakapit-bisig at pagkakaisa, at pihado po akong maaabot natin ang ating minimithing destinasyon: isang Pilipinas na mas ligtas, mas maaliwalas, at may mas malawak na pagkakataon sa kaunlaran para ho sa lahat.

Magandang araw po. Maraming salamat sa lahat.

To learn more about Project NOAH, click here

Get regular updates straight from your Facebook and Twitter accounts with The Blog of Innocence: SilentVoice Points. Make sure that you keep informed about the latest happenings around you. Be a fan of VoicePoints page on Facebook. Join the online conversation of the people behind your history. Follow and get some tweet updates from @voicepoints on Twitter. Discuss and be a part of this changing world. We believe in your voice. We believe in you. Shout! Speak your mind! Join now! You have the right. You have the freedom!

Need advertising partners? Email us now silentvoicepoints@yahoo.com.  Advertise with us!

0 comments:

SEARCH

Translate This Blog

Featured on

Featured on

ADVERTISE WITH US

ADVERTISE WITH US

ADVERTISE WITH US