Speech of President Aquino during the anniversary of the proclamation of Philippine Independence, June 12, 2012


Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa ika-114 anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan 

 [Inihayag sa Simbahan ng Barasoain, Malolos, Bulacan, noong Ika-12 ng Hunyo, 2012]

Noon pong nakaraang taon, nagtipon tayo sa Kawit, Cavite, sa balkonahe ni Heneral Emilio Aguinaldo kung saan unang iwinagayway ang ating bandila. Doon, unang kumumpas ang martsang Lupang Hinirang, sabay sa pintig ng puso ng mga rebolusyunaryong Pilipinong, sa wakas, ay kalag na sa tanikala ng mga dayuhan. Doon, unang pinasinayaan ang karapatang makapamuhay nang malaya at nagsasarili ang bansang Pilipinas.

Ngayong umaga, ginugunita natin dito sa simbahan ng Barasoain—ang duyan ng ating Saligang Batas—ang ika-isandaan at labing-apat na taon ng proklamasyon ng kalayaan. Dito nagtipon ang mga kinatawan ng iba’t ibang probinsya upang magkasundo kung paano aarugain at payayabungin ang ipinaglaban nilang kalayaan. Dito itinatag ng Kongreso ang Unang Republika ng Pilipinas, gayundin ang pagpapatibay at pagpapatunay sa Konstitusyon ng Malolos, ang unang Republikanong Konstitusyon sa kabuuang Asya. Dito, napagpasyahan nilang panghawakan ang kinabukasan ng ating bansa, at patunayan sa mundong ang Pilipinas ay para sa Pilipino.

Noon pa man, mulat na ang ating mga ninuno sa prinsipyong bumubuhay sa ating demokrasya: ang ganap na kapangyarihan ay nagmumula at angkin ng sambayanang Pilipino, kaya’t sa kapakanan ng Pilipino rin ito dapat nakatuon. Pumili sila ng mga kinatawan, hindi para maghari at pagsilbihan, kundi para mamuno at itimon ang bansa tungo sa tamang direksyon, at paglingkuran ang karaniwang mamamayan.

Nang nagpunta sa Malolos ang pitumpung kinatawan mula sa iba’t ibang probinsya, pangunahing bitbit nila ay ang mga adhikain ng sarili nilang mga lalawigan, at ang pangarap ng nag-iisang bayan. Inuna nila ito kaysa sa personal nilang interes. Nakaatang sa kanilang balikat ang obligasyon na isulat ang mga alituntunin na sinang-ayunan ng taumbayan, upang magsilbing gabay kung paano sila mamumuhay at makikitungo nang tama, patas, at makatarungan sa isa’t isa.

Hindi nila tayo binigo. Matagumpay nilang ipinunla ang isang saligan na bukal ng katarungan, magtatanggol at magtataguyod ng kabutihan, at sisiguro sa pantay na karapatan para sa lahat.

Nang nagsisimula pa lang tayo bilang kinatawan ng Tarlac, naging sandigan ko na ang Saligang Batas. Lagi kong binabasa, pinag-aaralan at sinusuri ang mga probisyon nito. Bukod sa napapaloob dito ang mga batayan na dapat kong sundin bilang Pilipino, ginagabayan din ako nito kung paano ko magagawa nang mas mahusay ang obligasyon ko bilang lingkod-bayan.

Hindi ko maiwasang madismaya minsan, dahil matapos ang pinagdaanang ratipikasyon ng ating Saligang Batas noong 1935 at 1987, hindi pa rin nauubos ang mga walang pakundangan pa ring naghahanap ng butas upang gamitin ito sa pansarili nilang kapakanan. May mga opisyal na harap-harapan kung lumabag sa batas, at harap-harapan ding tinatakasan ang pananagutan. Ang Konstitusyon na dapat ay natatakbuhan ng karaniwang tao ay nagiging laruan na lamang ng mga naghahari-harian. Kung umasta sila, animo’y hawak nila ang piring ng katarungan, para bang lisensyado silang palitan, bawasan, ibahin at baliktarin ang Konstitusyon.

Naging saksi ang buong bansa nang nilitis si Ginoong Corona, ang dating Punong Mahistrado.  Inabot ng limang buwan ang prosesong ito. Gayumpaman, pinatingkad nito ang diwa ng ating demokrasya. Karapatan ng mga Pilipinong malaman ang katotohanan at maramdamang buhay ang demokratikong sistema sa bansa. Muli rin nitong idiniin sa ating mga lingkod-bayan na ang kapangyarihang ipinahiram sa kanila ni Juan dela Cruz ay may kaakibat na responsibilidad at pananagutan.

Kung tutuusin, naging talamak ang korupsyon, hindi lamang dahil dumami ang naging sakim sa kapangyarihan, kundi dahil dumami rin ang bilang ng mga manhid at nagwalang-kibo. Naging pundido ang parola ng demokrasya dahil walang nagkukusang alagaan at panatilihin ang alab nito.

Ngayon pong nakabuwelo na ang ating bayan sa tuwid na landas, hindi natin hahayaan pang maligaw tayo sa dilim ng nakaraan. Gaya ng nakasaad sa Saligang Batas, sa taumbayan nag-uugat ang lakas ng ating bayan. Kaya’t makatarungan lamang na sila rin ang makikinabang sa bunga ng ating mga pagsisikap. Kaya naman bawat repormang itinutulak natin—mula sa trabahong naihahandog natin sa ating kababayan, hanggang sa pagtataguyod ng katarungang panlahat; mula sa pagkukumpuni ng sistemang panlipunan, hanggang sa matuwid na paggugol ng ating pananalapi—ay dapat sumasalamin sa prinsipyong pinagtibay sa loob mismo ng simbahang ito noong 1898.

Sa susunod na taon, ipagdiriwang natin ang proklamasyon ng araw ng kalayaan sa Pinaglabanan. At ang plano po natin ay sunod na gunitain ito sa Visayas, at maging sa Mindanao. Bakit taun-taon tayong lumilipat sa iba’t ibang makasaysayang lugar? Upang iparamdam na ang ating kasarinlan ay hindi lamang nangyari sa Kawit, o dito sa Malolos, o sa Luzon lamang. Angkop lamang na maramdaman ng bawat Pilipino—mula sa mga pinakaliblib na bulubundukin, hanggang sa pinakamalalayong isla, kasama na rin ang mga kababayan nating nakikipagsapalaran sa ibayong dagat—na ang ipinagdiriwang tuwing ika-labindalawa ng Hunyo ay selebrasyong pambansa; na ang diwa nito ang araw-araw na nagpapaalab sa adhika nating maging malaya.

Tunay na demokrasya para sa lahat ng Pilipino: ito ang kaluluwa ng ating Konstitusyon; ito ang dugong dumadaloy sa puso ng ating malayang Estado. Tangan ang mandato ng Saligang Batas, hindi na natin hahayaang bukbukin, dungisan at gamitin ito ng kahit na sinuman para lamang manlamang sa kapwa at magpakasasa sa kapangyarihan.

Ito ang ipinapaalala sa atin ng Barasoain Church. Noong 1898, nagtipon ang ating mga ninuno dito sa Malolos upang itindig at patibayin ang ating Republika. Ito rin ang nangyari noong 1986 sa EDSA nang buwagin natin ang diktadurya. Ganito rin ang naganap sa halalan noong 2010 na nagbigay daan sa ating mga reporma. Patunay ang mga biyaya ng kasaysayan: makakamtan lamang ang tunay na kalayaan kung handa ang bawat isa sa ating magkakalyo ang talampakan, at diligan ng dugo’t pawis ang ating lupang sinilangan. Taas-noo rin tayong maglakbay tungo sa isang Pilipinas na malaya, hindi lamang sa panggigipit ng mga dayuhan, kundi lalo na sa kurapsyon, gutom at kawalang-katarungan. Buwagin natin ang bartolina ng kadamutan at pagkakanya-kanya; kumalag tayo mula sa tanikala ng pagbabatuhang-sisi at pagwawalang-bahala. Ito ang kahulugan ng tunay na kalayaan.

Magandang araw po. Maraming salamat po sa lahat.

Learn more about the Philippine Independence HERE.

Get regular updates straight from your Facebook and Twitter accounts with The Blog of Innocence: SilentVoice Points. Make sure that you keep informed about the latest happenings around you. Be a fan of VoicePoints page on Facebook. Join the online conversation of the people behind your history. Follow and get some tweet updates from @voicepoints on Twitter. Discuss and be a part of this changing world. We believe in your voice. We believe in you. Shout! Speak your mind! Join now! You have the right. You have the freedom!

Need advertising partners? Email us now silentvoicepoints@yahoo.com.  Advertise with us!

0 comments:

SEARCH

Translate This Blog

Featured on

Featured on

ADVERTISE WITH US

ADVERTISE WITH US

ADVERTISE WITH US