Lente

Umiiyak ang kalangitan. Tila mayayanig ang kisame. Balde-balde ang baha sa kalye at walang ibang magawa ang Departamento ng edukasyon kundi ang susupendihin ang klase. Nakakikilabot ang malamig na hangin. Wala akong ibang magawa kundi ang umupo at mag-isip sa isang tabi. Sabado bukas at dadalo ako sa sesyon namin sa Centrex. Pinag-iisipan kong mabuti kung aling pantalon ang isususot ko nang biglang tumunog ang cellular phone ko…Nagtext ang guro ko sa pamamahayag, si Sir Zac: Remind ko lang ‘un photowalk bukas, 6am sharp, sa Mcdo magkikita-kita.

Photowalk? Photowalk…Naku! Muntik ko nang malimutan, dadalo nga pala ako bukas sa Scott Kelby’s 2nd Annual Photowalk na gaganapin sa Antipolo, Rizal at hindi ko pa nakukuha ‘yung excuse letter na ipapasa sa Centrex. Dadalo pa ba ako? May bagyo… Bukas ang picture taking kasama ang staffs ng Knights of the Sacred Heart (KSH) sa Centrex. Bigla akong napabuntong-hininga. Madalas conflict ang skedyul ko tuwing Sabado. Pero nakasalalay sa photowalk na iyon ang marka ko sa practicum na halos isang-kapat ng grade ko sa pamamahayag. Kung sasama naman ako, mababawasan ang tatlong pagkakataong nilaan sa amin ng Centrex para lumiban. Saglit akong nagisip-isip…Hayy…Sasama na nga ko, tutal may dalawang pagkakataon pa namang matitira para hindi ako tuluyang maalis sa linya ng mga scholars.

Matapos ang tanghalian, sinugod ko ang mabibigat na bagsak ng ulan at humahagupit na hampas ng hangin para kuhain ang excuse letter ko sa school na papipirmahan ko pa sa mahal kong punongguro. Basang-basa ang mga paa ko dahil sa nakadidiring baha. Hindi ‘yata pagiging maarte ang mandiri sa baha, bakit? Normal lang siguro na pandirihan ang mga ihi ng daga, itlog ng ipis at latak ng basurang matatagpuan sa baha, hindi ba?

Pinara ko ang masikip na dyip. Pinunasan ko ng tissue paper na dinukot ko pa sa kailaliman ng bulsa ko ang tubig-bahang dumapi sa mga paa ko. Nakuha ko na ang excuse letter ko kaya tuloy na tuloy na talaga ang photowalk. Ngunit, ano ba itong nararamdaman ko? Biglang nagbago ang isip ko- nakaaasar –parang climate change ang isip ko, pabago-bago… Kasi namn, sayang at hindi ako makakasama sa picture taking namin kasama ang KSH sa Centrex, pero sayang din naman ang karanasang makukuha ko sa photowalk. Sinubukan kong magmuni-muni at napagdesisyonan kong sumama na para sa practicum at panibagong experience.

Habang ako’y nakaupo at nanunuod ng telebisyon, iniisip ko na kung anong mangyayari bukas. Sabi ni Sir Zac, 50 contestants lang daw ang kasali sa internasyonal at ang iba ay sa lokal na kompetisyon lamang sasali. Ano naman kaya ang gagawin ko roon? Siguradong napakagagaling ng mga pupunta roon, at ako? Siguradong isang porsyento lang ng galing nila ang taglay ko. Bukod kasi sa composition techniques, kinds of photography na tinuro ni Sir Zac pati na rin ang functions of camera na natutunan ko sa pagbabasa, wala na akong masyadong alam sa photography.

Lumalalim na ang gabi…Kanina pa hindi sumusilip ang araw. Walang liwanag sanhi ng makapal na ulap. Ang bilis talaga ng araw dahil ang bilis din ng segundo, minuto at oras. Nilalamig pa rin ako… Paano na kung bumagyo pa rin bukas? Sabi ni Sir Zac imposible raw na kanselahin ang photowalk kasi worldwide event iyon. Napagalaman ko rin na hindi lang sa Antipolo gaganapin ang event kundi pati na rin sa Pampanga, Benguet, Manila, Cavite, Cebu, Bulacan, Taguig, Laguna, Davao at sa iba pang panig ng Pilipinas maging sa iba’t ibang bansa.

Matapos kong kumain ng hapunan, ipinahinga ko ang pagod kong katawan, isang araw na naman ang lilipas ngayong gabi sabay ipinikit ko na ang nahahapo kong mga mata. Mabilis talaga akong antukin sa gabi kapag natatapos akong kumain ng hapunan. Sayang at hindi ko masisimulan ang paborito kong pelikula na pinamagatang “The Journey to the Center of the Earth” na ipapalabas ngayon sa HBO. Bigla akong nawala sa ulirat at tuluyan nang nakatulog.

Kring…Kring…Kring…Alarma ng orasan kong kasing edad na ng bunso kong kapatid na naging dahilan ng pagkasira ng mahimbing kong pagkatulog. Alas singko na at wala pa rin ako sa ulirat, akala ko pa naman Lunes hanggang Biyernes lang ako magigising ng ganito kaaga, tila pumasok na rin tuloy ako ng anim na araw sa isang linggo.

Sana ay maging mabilis muli ang takbo ng araw gaya kahapon. Dali-dali akong kumain ng agahan na inihanda ng mahal kong ina, nag-init ng pampaligong tubig at agad na naggayak para sa pupuntahan. Nang ako ay nakagayak na, tila bumilis ang tibok ng puso ko. Para bang kabado at haharap sa isang malaking gera. Pagdating sa Mcdo, agad kaming sumakay ng dyip at ni Sir Zac kasama ang kaibigan niyang guro. Nakapagtataka, parang kahapon lang ay nangangalit ang langit. Pagsapit ng alas sais ay nadama ko ang dampi ng init ng araw na kahapon ko pa hinahanap-hanap. Nakiayon ang panahon sa photowalk na pupuntahan namin-wala na talagang atrasan ito!

Pagsapit sa Antipolo, sa Mini Plaza na malapit sa simbahan at katabi ng City Hall- naroon ang magagandang dilag na nakasuot ng makukulay na saya kasama ang mga binatang nakabarong tagalog na nag-eensayo para sa kanilang presentasyon. Ang bawat manlalahok sa photowalk ay binigyan ng kani-kanilang t-shirt na pinangunahan ng ‘Samahan ng mga Litratista sa Rizal’ (SLR) na kinabibilangan ni Sir Zac. Kitang-kita ng aking mga mata ang naghahabaang lente ng kani-kanilang ‘single-lens reflect’ (SLR) camera. Wala akong ibang nasabi kundi, Wow! Ang lupet! Ako yata ang pinakabata roon. Nang magsimula na ang programa, ipinahiram sa akin ni Sir Zac ang isa sa mga digital SLR camera na dala niya., isinabit ko ito sa aking leeg at nagpanggap akong isang batikang litratista. Habang sinisilip at ipinupokus ko ang aking lente, isang ‘di maipaliwanag na pakiramdam ang nadama ko. Ilang minuto na lang at sisimulan na namin ang paglibot sa Antipolo upang mangalap ng mga larawang mgapapakita ng kagandahan nito.

Bago pa man kami magkahiwa-hawalay, nagkaroon muna ng isang mabilisang photo shoot kasama ng mga dalaga at binatilyong naka-saya at barong tagalog. Nakabibighani ang kanilang mga kasuotan. Bawat kilos nila’y may katumbas na isang click ng shutter na may kasamang mala-kidlat na flash. Kung titignan sa lente ang kanilang mga makukulay na saya, unang sulyap pa lang ay mapapangiti ka na, mararamdaman mo ang sarap ng pagiging pilipina sa kadahilanang para bang napakamakulay ng buhay ng isang Pilipino.

Sa unang pagkakataon, nakita ko ang ‘di kalakihan at ‘di kaliitang Cathedral Parish o National Shrine. Sadyang napakalaki ng pagpapahalaga ng mga Kristiyano sa solemnidad ng kanilang simbahan. Pilit kong ipinokus ang aking lente sa altar ngunit nakapukaw ng aking atensyon ang isang matandang babaeng nakabelo, nakayukod at taimtim na nananalangin. Hinagibis ko ang aking lente at nang makita ko, siya pala ay may hawak na isang Nokia 99i at nagtetext. Wala akong ibang magawa kundi ibaling ang aking lente sa ibang bagay, hindi ko kasi alam kung ano ang tamang reaksyon sa aking nakita. Kung may sapat na oras lang sana ako para masulyapan sa aking lente ang mga taong taimtim na nagdarasal-mga taong may kani-kaniyang problema, mga nilikhang naghahanap ng kasiyahan at solusyon sa sobrang kahirapan maging sa sobrang kayamanan.

Makalipas ang ilang minuto, kapansin-pansin ang naglalakihang patak ng luha mula sa langit, parami ng parami ang bakas nito sa lupa., kasing dami ng suman na sadyang popular sa lugar na iyon.
Matapos ang ilang minutong pagsakay sa ‘di kalumaang sasakyan na pagma-may-ari ng kasamahan ni Sir Zac, narating namin ang Boso-boso Church. Ano pa nga ba’ng bago sa isang simbahan? Maliban sa mga taong taimtim na nagdarasal, paring nagmimisa, matanda’t batang namamalimos at mga tinderang nakasalampak sa paligid, ano pa ba ang bago?

Muli makong sumilip sa aking lente at nasulyapan ko ang isang gusgusing babae na may bitbit na bata. Nilapitan ko siya at sinubukang kunan ng mabilisang litrato ngunit dali-dali siyang tumakbo na para bang aagawin ko ang musmos niyang anak. Pasimple kong sinundan ang ale ngunit sadyang mapusok tumakbo ang babaeng iyon. Hindi ako nawalan ng pag-asa, hindi ko siya tinantanan, hanggang manakawan ko siya ng isang litrato mula sa aking lente. Habang tinititigan ko siya, biglang nagbago ang aking paningin. Hindi lang pala siya isang gusgusing babae kundi isa siyang ina na punong-puno ng kalungkutan, tila pasan niya ang daigdig at ang tanging kayamanan niya ay ang musmos niyang anak na nagbibigay sa kaniya ng kasiyahan. Kitang-kita ko sa kaniyang mga mata ang bigat ng kaniyang saloobin - saloobing hindi niya mailabas bunsod ng takot - takot na pagtawanan at mapahiya sa harap ng mapanghusgang nilalang na nakapaligid sa kaniya.

Maya-maya, narinig ko ang alburuto ng aking sikmurang tila sumisigaw ng: Pakainin mo ako! Pakainin mo ako! Buti na lang at saktong sakto na kakain na kami ng tanghalian sa isang presentableng restaurant. Sandaling nagpakitaan ng mga litarato ang mga kasama ni Sir Zac. Hangang-hanga talaga ako sa kanilang lahat. Walang low-class photographer sa kanila. Habang ako’y kumakain, pinapanood ko ang kani-kanilang kulitan at tawanan. Para silang mga manlalakbay o ‘voyagers’ bawat isa sa kanila ay may mga pakahulugan sa kanilang mga litrato at ang bawat litrato ay may kwento. Tulad na lamang ng isa sa aking mga naka-ulinigang senaryo mula sa isang kasamahan ni Sir Zac na napadpad sa isang puneralya. Tila pinagpawisan daw siya ng matindi dahil sa pinaggagagawa ng isa sa mga pulis patolang nagngangalang Patani. Nagpose siya ng nagpose sa tabi ng mga ataul. Sa katunayan daw, naghamon pa siya na magpakuha ng litrato sa loob mismo ng ataul. Nakatatawa talaga ang asal na iyon ni Patani. Ito pala ang dahilan kung bakit hapong-hapo ang kaibigang iyon nio Sir Zac.

Matapos ang tanghalian, naggayak na ang lahat upang magtungo sa ‘Touch of Glory Mountain’, ilang kilometro lang ang layo nito sa aming pinanggalingan. Pagsapit doon, nanlumo ako sa aking nakita o sa madaling salita, ‘boring’ ang lugar na iyon. Ngunit kahit ganoon ay wala naman akong ibang magawa kundi ang manguha na manguha ng mga litrato. Kaya naman, sinimulan ko nang ipokus ang aking lente. Dahan-dahan ko itong pinihit at pagsilip ko, buhay na buhay ang lahat - isang paraiso - lugar kung saan matatagpuan ang kagandahan- kagandahang nagtataglay ng tunay na katahimikan- katahimikang nagtataglay ng tunay na kagandahan ng mga bulaklak at paru-paro. Naisip ko tuloy na sana ay hindi napupuno ang camera ko at sana nakukuha nito ang huni ng mga ibon at mga paglangoy ng isda-sadyang napakaganda.

Habang pinagmamasdan ko ang isang napakagandang bulaklak na nakahalukipkip sa mga dahon, muling bumuhos ang ulan, pansamantalang nahinto ang aming paglalakbay, sayang at kulang ang isang buong araw para libutin ang buong Antipolo. Hindi man lamang kami nagkaroon ng pagkakataong marating ang Via Dolorosa, Hinulugang Taktak, Mt. Purro Nature Camp at marami pang iba.

Sumapit ang hapon at hinihila na ako ng aking mga paa para umuwi. Isang kakaiba at napakasayang karanasan ang aking napagdaanan sa araw na ito. Namulat ako sa mga tunay na pangyayari sa paligid. Kitang-kita ko ang kahulugan ng emosyon para sa isang pangkaraniwang nilalang na kagaya ko. Hiwaga ang dala ng aking lente, sa tuwing gagamitin ko ito, ang mga larawan ay nahuhubdan mula sa pagbabalat-kayo na minsan nang nakapandaya sa mga mata ng mga nagbubulag-bulagan.

Sa aking pagbabalik sa lugar na iyon, nais kong balik-balikan ang mga sandaling nagbigay pakahulugan sa tunay na paglalakbay, upang makita ang tunay na ganda ng lahat ng bagay sa tuwing sisilip at ipo-pokus ko ang aking LENTE.

#


Author: Kristine Mae Ledda

Follow your heart, but always bring your brain with you.

She is a BS Architecture student of University of the Philippines Diliman and a member of Iglesia Ni Cristo (Church of Christ).


CONTRIBUTE. Send your articles to  silentvoicepoints@yahoo.com. Subject on your email: The Blog of Innocence: SilentVoice Points. WRITE anything (any language). SHARE your views. REVIEW the latest happenings. CAPTURE every moment.

Get regular updates straight from your Facebook and Twitter accounts with The Blog of Innocence: SilentVoice Points. Make sure that you keep informed about the latest happenings around you. Be a fan of VoicePoints page on Facebook. Join the online conversation of the people behind your history. Follow and get some tweet updates from @voicepoints on Twitter. Discuss and be a part of this changing world. We believe in your voice. We believe in you. Shout! Speak your mind! Join now! You have the right. You have the freedom!

The Blog of Innocence: SilentVoice Points is accepting works and articles - news on our nation and the world, social issues, environment, advocacy, entertainment, trending issues and events, history, literature, reviews, travel, science and technology and discoveries. We reserve the right to edit and not to publish articles for reasons of libel and ethics. To submit, email us at silentvoicepoints@yahoo.com. Share your own stories now! 

Need advertising partners? Email us now silentvoicepoints@yahoo.com.  Advertise with us! 

0 comments:

SEARCH

Translate This Blog

Featured on

Featured on

ADVERTISE WITH US

ADVERTISE WITH US

ADVERTISE WITH US