Ang Tunay na Malaya

Hindi sapat ang mabuhay. Kailangan ng bawat tao na gamitin ang buhay na ito ng husto. At para magawa iyon, kailangan ang kalayaan. Kaya naman maraming buhay ang binuwis at maraming hirap ang tiniis upang kamtin ang kalayaang tinatamasa natin ngayon. Yan ang pagkakaunawa ko sa “Independence Day”nating mga Pilipino noong bata pa ako. Simple, pero malalim na rin para sa edad na walo.
Sa mga aklat ko lang nalaman ang buhay Pilipino sa ilalim ng mga dayuhang mananakop. At bilang isang batang isinilang sa parehong taon ng EDSA revolution, hindi ko rin naranasan ang mapamunuan ng isang pamahalaang diktatoryal. Laki sa laya, kumbaga. Ngunit, habang tumatanda ay mas nakilala ko ang mundo, lumawak din at lumabo ang konsepto ko ng salitang ito, “kalayaan”. Kailan ba nawawala at nakakamit ito? Paano ba ito nasisikil o  naaabuso? Nagkaroon ako ng iba’t-ibang pananaw tungkol dito. Kinuwestyon ko rin ang tunay na kahalagahan nito sa akin at kung saan at paano ko ito nagagamit sa araw-araw.

Sa simpleng pagtingin lang sa paligid at pagtutok sa mga balita at kaganapang pambansa ay mahihinuha mo na ang kasalukuyang kalagayan ng bayan at ng mga mamamayan nito. Napakarami ang lugmok sa kahirapan. Nakakaalarma din ang bilang ng mga di nakakapag-aral. Marami ding karapatan ang hindi nababantayan. Naisip ko, hindi kailangan ng mananakop, hawla, o tanikala para maging isang alipin.

Mahirap nga sigurong isipin, pero lahat tayo ay dumaan o dumaraan sa mga pagkakataong ang kalayaan natin ay nasisikil. Madalas nga, hindi natin ito namamalayan. Kung iisipin, tila kalayaan din ang kawalan ng kaalaman. Noong mga bata tayo, malaya tayong tumatakbo at naglalaro. Di natin alintana ang hinaharap at mga gampanin na kalakip nito. Sa totoo lang, para sa akin ay masayang mabuhay ng ganito. Kaso, lumalaki tayo. Bumubukas ang ating kaisipan sa maraming bagay. Nagkakaroon tayo ng kapangyarihang pumili. Pumili ng iisipin, ng sasabihin, ng gagawin. At base sa mga pagpipiliang ito, ang buhay natin, ang buhay ng mga tao sa ating paligid, ang bayan at kahit ang mundo ay maaaring magbago.

Minsan naman, wala lang talaga tayong pakialam dito. Dahil kaakibat ng kalayaan ay responsibilidad, at para sa ilan ay mas mainam na may ibang taong responsable para kanila. May kilala ako na bagama’t nasa hustong gulang ay umaasa pa rin sa kanyang magulang. Ayos lang sa kanya na patakbuhin pa rin ng magulang ang buhay niya dahil hindi niya kayang mag-isa. Sa ganitong set-up, parehong ang magulang at anak ay nakakadena. Maaaring napipilitan, maaaring maluwag sa kanilang kalooban. Ngunit walang kalayaan. At ang kawalan ng kalayaang magdesisyon para sa sarili ay kawalan ng pagkakataong lumago at umunlad bilang tao.

Karaniwan ding natatakpan ang kalayaan ng pagmamahal. Gasgas man sa gamit, halos lahat talaga ay kayang hamakin ng pag-ibig. Pag-ibig sa tao, pera, mga bagay na tila humahawak sa puso mo. Kung nasasaktan at nahihirapan ka dahil sa sila na ang kumokontrol sayo, dapat ay mag isip-isip ka na ng pagbabago. Maraming maybahay na inaabuso ng kanilang asawa ang di maiwan ang maling relasyon dahil sa sinasabi nilang “pagmamahal”. Maraming nalulubog sa pagkakautang dahil sa sinasabing “libangan”. Mahalagang suriin mong mabuti ang mga nasa priority list mo, dahil baka ito ang mga pising gumagapos sa iyo.

Ang kalayaang hindi nakikita at ginagamit ay nawawala. Tungkulin ng bawat taong malaya na panatilihin ito. Ngunit kailangan ng bawat isang matutunang gamitin ito ng hindi umaabuso. Sapagkat ang pag-abuso sa sariling kalayaan ay nagiging pagsupil sa kalayaan ng iba. Isang napakagandang halimbawa ang paglalabas ng opinyon at saloobin. Sa modernong panahon ngayon ng social media, masasabi kong ang kalayaang gamit na gamit ng madla ay ang kalayaang magpahayag. Ginawa nitong madali para sa lahat ang makipag-ugnayan. Pero, hindi lahat ng idinulot ng kasangkapang ito ay kabutihan. Dahil naging madali rin para sa iba ang magkalat ng maling impormasyon. Marami ring gumamit nito upang manakit ng kapwa. Naging behikulo din ito ng ilang krimen. Ang nakakatakot sa kalayaan ay ang malabo at manipis nitong hangganan.

Katapangan ang bayad sa kalayaan. Hindi ka pwedeng maging malaya kung takot ka. Dahil ang unang rebolusyon ay sa kalooban ng isang tao nagsisimula. At hindi mo pwedeng kamtin ang kalayaan ng mag-isa. Palaging kadikit nito ay isang paalala. Isang paalalang nagsasabi na ang taong tunay na malaya ay gumagalang sa kalayaan ng iba at nagpapalaya rin ng mga taong nakakulong pa.

Author: alders

More Posts



Learn more about the Philippine Independence HERE.

CONTRIBUTE. Send your articles to  silentvoicepoints@yahoo.com. Subject on your email: The Blog of Innocence: SilentVoice Points. WRITE anything (any language). SHARE your views. REVIEW the latest happenings. CAPTURE every moment.

Get regular updates straight from your Facebook and Twitter accounts with The Blog of Innocence: SilentVoice Points. Make sure that you keep informed about the latest happenings around you. Be a fan of VoicePoints page on Facebook. Join the online conversation of the people behind your history. Follow and get some tweet updates from @voicepoints on Twitter. Discuss and be a part of this changing world. We believe in your voice. We believe in you. Shout! Speak your mind! Join now! You have the right. You have the freedom!

The Blog of Innocence: SilentVoice Points is accepting works and articles - news on our nation and the world, social issues, environment, advocacy, entertainment, trending issues and events, history, literature, reviews, travel, science and technology and discoveries. We reserve the right to edit and not to publish articles for reasons of libel and ethics. To submit, email us at silentvoicepoints@yahoo.com. Share your own stories now! 

Need advertising partners? Email us now silentvoicepoints@yahoo.com.  Advertise with us! 

0 comments:

SEARCH

Translate This Blog

Featured on

Featured on

ADVERTISE WITH US

ADVERTISE WITH US

ADVERTISE WITH US